Photo courtesy of Representative Chel Diokno X
Hiniling ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña na isama ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ang pagsesertipika bilang urgent sa panukalang ₱200 across-the-board wage hike at ang pagbaba ng Value-Added Tax o VAT mula 12% sa 10%.
Aniya, hindi na sapat ang paunti-unting dagdag-sahod at dapat ding mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Samantala, sinabi naman ni Akbayan Party-list Representative Chel Diokno, na inaasahan nilang maglalatag ang Pangulo ng kongkreto at agarang solusyon sa mataas na cost of living, presyo ng langis at kuryente, inflation, at kakulangan ng dekalidad na trabaho.
Iginiit din ni Diokno, na dapat bigyang-prayoridad din ang edukasyon sa pamamagitan ng pagpapabuti ng kalidad nito, pagtugon sa kakulangan ng mga silid-aralan, at pagtiyak sa kaligtasan ng mga mag-aaral at guro.
Ayon pa sa mambabatas, hindi dapat puro pangako at retorika ang laman ng ikalimang SONA ng Pangulo.
Binigyang-diin din niya na kung seryoso ang administrasyon sa kampanya laban sa korapsyon, dapat mapanagot ang lahat ng sangkot sa pag-abuso sa pondo ng bayan, kaalyado man o hindi.