Isa sa mga katuparan ng layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang digital connectivity sa mga liblib na komunidad ang bagong Geographically Isolated and Disadvantaged Area (GIDA) Tower ng Globe Business sa Macaleeng, Anda, Pangasinan.
Ayon kay Macaleeng Elementary School Head Teacher II Melly Rose Caranay, bago naging operational ang naturang tower ay nahihirapan silang magsumite ng mga kinakailangang ulat at mag-download ng mga learning materials dahil deadspot ang lugar.
Bahagi ang proyekto ng programang “Digital Bayanihan” ng Department of Information and Communications Technology (DICT), katuwang ang pribadong sektor, na naglalayong palawakin ang digital connectivity sa mga GIDAs sa bansa.
Ayon kay DICT Undersecretary for Support Services Atty. Heherson Asiddao, higit pa sa Internet access ang naihahatid ng koneksyon dahil nagbubukas ito ng mas maraming oportunidad at tumutulong na matiyak na walang Pilipinong malilimitahan ang kanilang potensyal dahil lamang sa kakulangan ng access sa digital services.
Dagdag pa ng opisyal, kaakibat ng inisyatibang ito ang direktiba ni Pangulong Marcos, Jr. na isulong ang digital transformation sa buong bansa upang mas maraming komunidad ang magkaroon ng akses sa mga serbisyong digital.
Binigyang-diin din ni Asiddao na patuloy na pinalalawak ng DICT ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor upang mapabilis ang pagpapatupad ng mga proyektong magpapalawak ng digital connectivity sa mga komunidad na kulang pa rin sa access sa Internet.