Posibleng magkaugnay ang dalawang insidente ng Improvised Explosive Device (IED) na natagpuan malapit sa Department of Justice (DOJ) sa Maynila at Senado sa Pasay City.
Sa ambush interview sa Commonwealth, Sinabi ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may ugnayan ang dalawang insidente, kabilang ang pagtukoy sa mga responsable at sa kanilang motibo.
Ayon kay Nartatez, posibleng layunin nito ang manakot.
Binigyang-diin din ng PNP Chief na hindi dapat manaig ang anumang tangkang manggulo o manakot sa publiko, lalo na kung may posibleng kaugnayan ito sa terorismo.
Sa kabila nito, tiniyak ni Nartatez na walang pagbabago sa security deployment para sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. Aniya, nasa 28,000 mga pulis ang ipinakalat ngayong araw para tiyakin ang kaayusan at seguridad. | ulat ni Diane Lear