Hinikayat ni Senate Senior Deputy Majority Leader JV Ejercito si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mag-anunsyo ng mga kongkretong reporma na direktang tutugon sa pinakamabibigat na suliranin ng bansasa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) ngayong araw.
Ayon kay Ejercito, inaasahan ng mga Pilipino ang malinaw na aksyon at hindi na panibagong mga pangako sa nalalabing dalawang taon ng administrasyon.
Kabilang sa mga inaasahan ng senador ang mas maigting na kampanya laban sa katiwalian sa mga flood control project at pagpapapanagot sa mga sangkot sa pagwaldas ng pondo ng bayan.
Muli rin niyang isinulong ang pagpasa ng Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Bill, na layong maglatag ng pangmatagalang plano para sa mga pangunahing imprastraktura, kabilang ang flood control at transportasyon.
Sa usaping pangkalusugan, umaasa si Ejercito na iaanunsyo ng Pangulo ang pagpapalawak ng benepisyo ng PhilHealth kung saan sasagutin na ng state insurer ang 60-70 percent ng hospital bills.
Hiniling din niya ang awtomatikong pagsuspinde ng excise tax sa produktong petrolyo kapag labis ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. | ulat ni Nimfa Asuncion