Dapat lamang na manatili sa maximum level ang seguridad ng Presidential Security Command (PSC) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa Malacañang, mayroon mang pagsabog o wala.
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro matapos ang magkahiwalay na insidente ng pagsabog ng umano’y improvised explosive devices kaninang madaling araw sa tapat ng entrance gate ng Department of Justice (DOJ).
“Kahit may pagsabog o walang pagsabog dapat ang proteksyon sa Pangulo at to the maximum level. Alam naman natin iyan.” — Castro.
Sa isang panayam sa Batasang Pambansa, sinabi ni Castro na wala pa siyang impormasyon kung nakarating na ang insidenteng ito kay Pangulong Marcos, gayunpaman, nasa PSC at Philippine National Police (PNP) ang bola, para sa pagsisiguro ng kaligtasan ni Pangulong Marcos.
“Hindi kami nagkausap ng Pangulo but definitely yung mga kapulisian natin dapat mas matindi ang pag-iingat at seguridad.” — Castro.
Ngayong hapon, magaganap ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ng pangulo, kung saan ayon kay Usec. Castro, kung siya ang tatanungin, nasa 90% hanggang 100% ang grado na ibibigay niya kay Pangulong Marcos dahil sa dedikasyon at sigasig nito sa trabaho.
Ang pangulo aniya, kahit medyo paos, looking forward sa pag-uulat sa taumbayan.
Una na ring sinabi ni Communications Secretary Dave Gomez na isa sa mga matatalakay ng pangulo, ang paghabol ng gobyerno sa mga nasa likod ng flood control irregularies.