Iniutos ng Senate Impeachment Court na ipatupad ang pagbabawal sa paglalabas ng mga public comments tungkol sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa lahat ng articles of impeachment, kabilang ang mga kasong binawi na ng prosekusyon.
Sa inilabas na pahayag ni impeachment court Spokesperson Atty. Reginald Tongol, binahagi nito ang kautusan matapos aksyunan ng korte ang apela ni Senator-Judge Kiko Pangilinan noong October 13 at ang manifestation ng kampo ni VP Sara noong November 4 na nagsasabing hindi nito isinusuko ang karapatan sa ilalim ng Rule XVIII at nais nitong manatili ang sub judice ban.
Sa ilalim ng kautusan ng Impeachment court, hindi maaaring maglabas ang alinmang panig, kanilang mga abogado at iba pang saklaw ng patakaran ng mga public statements tungkol sa merito ng paglilitis o anumang usaping saklaw ng impeachment complaint.
Paliwanag ni Tongol, layunin nitong pigilan ang magkabilang panig na talakayin sa media ang mga kasong binawi na ng prosekusyon habang dinidinig pa ng korte ang Article II.
Nagbabala ang impeachment court na ang sinumang lalabag ay maaaring patawan ng mahigpit na parusang nakasaad sa mga ruling na inilabas noong August 26, 2026. | ulat ni Nimfa Asuncion