Pormal nang inilabas ng Senate Impeachment Court ang mga kautusan nito kaugnay ng pagtanggap sa mga dokumentong inihain ng prosekusyon.
Sa pahayag na inilabas ni impeachment court Spokesperson Atty. Reginald Tongol, nilimitahan ng korte ang mga ebidensiyang maaaring gamitin sa Article II ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, na may kaugnayan lang sa alegasyon ng unexplained wealth.
Kabilang sa mga tinanggap na dokumento ang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni VP Sara mula 2007 hanggang 2021, mga record ng Securities and Exchange Commission (SEC), PhilGEPS, bangko, insurance at investment companies, Bureau of Internal Revenue (BIR) at iba pang opisyal na dokumento.
Gayunman, nilinaw ng korte na gagamitin lang ang mga SALN mula 2007 hanggang 2021 bilang panimulang batayan sa pagsusuri ng pinansiyal na kalagayan ni VP Sara bago siya naging bise presidente noong June 30, 2022.
Hindi aniya maaaring gamitin ang mga ito para idiin ang bise presidente sa mga hiwalay na alegasyon bago ang petsang iyon.
Hindi rin pinayagan ng Impeachment court ang paggamit ng mga record ng Commission on Audit (COA) tungkol sa mga disallowance sa confidential funds na bahagi ng Article I na binawi na ng prosekusyon.
Ibinukod din ang mga corporate record at forensic computation na may kaugnayan sa JTC Group of Companies at Pikimong Pikimong Philippines Corporation.
Binigyang-diin ni Tongol na ang pagtanggap sa isang dokumento ay hindi nangangahulugang napatunayan na ang mga alegasyon ng prosekusyon.
Pagpapasyahan pa rin aniya ng mga senator-judge sa pagtatapos ng paglilitis ang bigay at halaga ng mga ebidensya.
Dahil pormal nang nagtapos ang presentasyon ng prosekusyon, sisimulan na ng depensa ang paglalatag nila ng mga ebidensiya sa Article II sa Lunes, November 9. | ulat ni Nimfa Asuncion