Photo courtesy of Department of Health
Ang Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD) ay isang viral infection na sanhi ng coxsackievirus.
Sa panayam ng programang Home-EcoNanay kay Dr. Claro Cayanan, Internal Medicine specialist, sinabi niya na karaniwang tinatamaan ng sakit na HFMD ang mga bata. Ilan aniya sa mga sintomas ng HFMD ay lagnat, kawalan ng gana kumain, pagkakaroon ng singaw, at mga rashes o pantal sa mga kamay at paa.

Naipapasa ang HFMD sa pamamagitan ng droplets mula sa pag-ubo, bahing, laway o dumi ng indibidwal na mayroong sintomas ng sakit na ito. Labis itong nakahahawa, kaya naman mahalaga ang pag-iingat sa mga bagay na hinahawakan at pakikisalamuha sa pampublikong lugar tulad ng paaralan, palaruan, at mga mall.
Ayon kay Dr. Cayanan, ang pinakamabisang panlaban sa HFMD ay proper hygiene. Paalalahanan aniya ang mga bata nang wastong paghuhugas ng kamay bago kumain at pagkatapos gumamit ng palikuran.

Pinapayuhan ang mga magulang na huwag nang papasukin ang anak sa paaralan kung nakitaan ng mga sintomas ng HFMD. Mahalaga rin ang pagkain ng masustansiya upang lumakas ang resistensiya, at agad magpakonsulta sa doktor para mabigyan ng nararapat na gamot.
Paalala pa ng mga eksperto, na iwasan ang pagpunta sa mga pampublikong lugar kung mayroong naitatalang pagtaas ng kaso ng HFMD.