Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Ipinunto ng isang ekonomista na imbes na mga pangako ay mas magandang mga solusyon sa “gut-level” issues o mga problemang “malapit sa sikmura” ang marinig mula kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, Hulyo 27, 2026.
Sa Pre-SONA special ng programang “Global Na Tayo” ng Radyo Pilipinas World Service, inihayag ni Filipino-Canadian economist Dr. Michael Batu na mahalagang mabigyang-diin ang mga suliraning kay kinalaman sa trabaho, presyo ng bilihin, hanapbuhay, at kahirapan dahil ito ang mga hinaharap mismo ng isang ordinaryong Pilipino.
Ani Dr. Batu, nasa halos dalawang taon na lamang ang termino ni Pangulong Marcos kaya naman kung mga pangako ang lalamanin ng kanyang SONA, baka wala nang panahon upang maisakatuparan ang mga ito.
Samanatala, inaasahan naman ng ekonomista na mabanggit sa SONA ng Pangulo ang pagkakaroon ng Pilipinas ng upper middle income status na isang senyales na nagkaroon ng progreso ang ating ekonomiya.
Bukod dito, ayon kay Dr. Batu, maaari ring mabanggit mamaya ni Pangulong Marcos ang PhP85 na dagdag-sahod. Subalit, aniya, dapat pa ring ikonsidera na hindi lahat ng umento sa sahod ay productivity-driven.
Sa iba pang usaping pang-ekonomiya, inaasahan din ng ekonomista na ibibida ng Punong Ehekutibo ang investment pledges mula sa ibang mga bansa, kabilang ang mga benepisyo sa ilalim ng Pax Silica Initiative kung saan magtatayo ang Estados Unidos ng isang artificial intelligence (AI) hub dito sa Pilipinas.