Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na hindi overkill ang latag ng kanilang seguridad para sa ika-5 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ngayong araw.
Ito ang tugon ng PNP sa batikos ni Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Secretary General Renato Reyes na hindi umano maximum tolerance ang ipinatutupad ng PNP dahil sa laki ng ipinakalat nitong bilang na mahigit 20,000.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., maliit pa nga kung tutuusin ang naturang bilang mula sa 220,000 kabuuang puwersa ng Pambansang Pulisya.
Patuloy namang naninindigan ang PNP, na ang kanilang security deployment ay nakatuon sa pagtiyak ng kaligtasan ng publiko habang pinapayagan ang mapayapang pagdaraos ng mga kilos-protesta.
Kanina, nag-ikot si Nartatez sa People Power Monument at saka tumungo sa Kampo Karingal hanggang sa makarating sa Commonwealth Avenue hanggang Batasan Complex.