Ibinida ni House Majority Leader Sandro Marcos na mas maaga sa inaasahang iskedyul ang kanilang legislative output at target nilang maipagpatuloy ang momentum sa ikalawang regular na sesyon.
Ito’y matapos mapagtibay ng mababang kapulungan ang kalahati sa 52 LEDAC priority measures ng administrasyon.
Gayunman, isa pa lang sa LEDAC bills ang naging ganap na batas.
Aminado ang House leader na maaaring nakaapekto sa mababang bilang ng mga naisabatas na panukala ang naging kaguluhang pampulitika sa Senado.
Aniya, kapag mas maraming political noise, mas nababawasan ang oras para sa paggawa ng batas.
Ngunit naniniwala siyang mas magiging maayos ang trabaho ng Senado sa ilalim ng pamumuno ni Senate President Win Gatchalian.
Sa kaniya namang isang taon ng pagiging majority leader, binigyang-diin ni Marcos na ang sukatan ng isang majority leader ay ang dami ng mga batas na naipapasa ng Kongreso, lalo na ang mga prayoridad ng LEDAC.
Dahil dito, sinabi niyang kuntento siya sa naging legislative performance ng Kamara sa nakalipas na isang taon.