Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
“Mahiya naman kayo!”
Ito ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) noong 2025, na nagbigay-hudyat sa pagsisimula ng mga imbestigasyon kaugnay ng maanomalyang flood control projects sa iba’t ibang dako ng Pilipinas.
Sa Pre-SONA edition ng programang “Global Na Tayo” ng Radyo Pilipinas World Service, inihayag ng constitutional law expert na si Atty. Domingo “Egon” Cayosa na si Pangulong Marcos ang maaaring ituring na kaisa-isang Pangulo na diretsahang pumuna sa isyu ng korapsyon dito sa ating bansa.
Ayon kay Atty. Cayosa, nakikita naman ngayon na marami nang nakakulong, isang taon matapos ibulgar ng Punong Ehekutibo ang usapin ukol sa flood control anomaly.
Binigyang-diin naman ng constitutional law expert na hindi lamang sa flood control projects umiikot ang korapsyon, kung hindi maging sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan at iba’t ibang aspekto ng paggogobyerno.
Aniya, maaaring sabihin ng iba na marami pa ang dapat mapanagot ngunit gumugulong na ang proseso.
Umaasa naman si Atty. Cayosa na magtutuluy-tuloy ito dahil maganda ang naging simula at kahit papaano ay mayroon nang mga resulta.
Dagdag niya, kailangan din ng mga bagong batas o polisiya para hindi na rin maulit ang mga insidente ng korapsyon.