Photo courtesy of Deputy Speaker Jay Khonghun
Kaya ng Kamara na gampanan nang sabay ang kanilang tungkulin sa Saligang Batas kaugnay ng impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte at ang pagbusisi sa panukalang 2027 pambansang badyet.
Ayon kay Deputy Speaker Jay Khonghun ng Zambales, may mga hiwalay na grupong nakatala sa iba’t ibang responsibilidad sa Kongreso, kaya magpapatuloy pa rin ang trabaho sa paggawa ng batas habang umuusad ang paglilitis.
Ipinaliwanag ni Khonghun, na isa sa mga opisyal ng Kamara na dumadalo sa proseso sa Senado, na personal niyang binabantayan ang impeachment trial habang patuloy na ginagampanan ang kanyang mga tungkulin bilang Deputy Speaker.
Kabilang dito aniya ang trabaho sa pambansang badyet.
Inaasahang sisimulan ng Kamara ang mga talakayan sa komite para sa panukalang 2027 General Appropriations Act, sa ikatlong quarter ng taon, habang patuloy namang dinidinig ng Senate Impeachment Court ang kaso laban sa VP Sara Duterte.
Nakatakda namang magpatuloy ang paglilitis sa Senate Impeachment Court bukas, Miyerkules matapos anv ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.