Mahigit P16.2 milyong halaga ng mga produktong petrolyo, LPG, at iba pang kagamitan na ginagamit umano sa iligal na operasyon ng ‘paihi’ at ‘pasingaw’ ang nakumpiska ng Philippine National Police (PNP) sa isang compound sa Barangay Silangang Mayao, Lucena City.
Nahuli ng pulisya ang 13 suspek na aktong nagsasagawa ng iligal na paglilipat ng produtong petrolyo at LPG mula sa tanker patungo sa mga container at mga tangke.
Sa panayam ng media sa Camp Crame, sinabi ni Police Regional Office 4A Director PBGEN Dominic Baccay na ang matagumpay na oprasyon ay bunga ng ilang linggong surveillance. Aniya, minanmanan ng mga operatiba ang compound gamit ang drone bago ito salakayin at maaktuhan ang mga suspek.
Dahil dito iniutos ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. sa lahat ng Police Regional Offices na paigtingin ang intelligence operations laban sa oil pilferage.
Inatasan din niya ang mga yunit ng pulisya na tukuyin at bantayan ang mga bodega at iba pang pinaghihinalaang lugar na ginagamit sa iligal na operasyon.
Mahaharap naman ang mga suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1865 o Oil Pilferage Law at Republic Act No. 11592 o LPG Industry Regulation Act. | ulat ni Diane Lear