Ikinatuwa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang matatag na paninindigan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa West Philippine Sea na binigyang-diin sa kanyang ika-5 State of the Nation Address (SONA).
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, itinakda ng Pangulo ang direksyong susundin ng sandatahang lakas sa patuloy na pagtupad sa kanilang mandato.
Sinabi ni Padilla na higit pa sa policy statement ang mensahe ng Pangulo dahil pinatitibay nito ang misyon ng AFP na ipagtanggol ang soberanya ng bansa, gayundin ang pagpapatupad ng rule of law nang may propesyonalismo at disiplina.
Matatandaang sa SONA ng Pangulo kahapon, sinabi niya na “sa mga pang-aalipusta, hindi tayo matitinag, sa manlulupig, hindi tayo pasisiil.”
Iginiit din ng Pangulo na hindi susuko ang Pilipinas sa harap ng anumang banta.
Bukod dito, kinilala rin niya ang mga sakripisyo at ambag ng AFP, Philippine Coast Guard, at mga mangingisdang patuloy na naninindigan sa 2016 arbitral ruling. | ulat ni Diane Lear