Idinepensa ng Philippine Air Force (PAF) ang Commander ng Ernesto Ravina Air Base sa Tarlac na si Lt. Col. Owen Avenido makaraang ideklarang Persona Non Grata ng Sangguniang bayan ng Capas dahil sa ginagawa nitong paghihigpit.
Sa pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo, sinabi ni Air Force Spokesperson, Col. Ma. Cristina Basco, ginagawa lamang ni Avenido ang kaniyang tungkuling pangalagaan ang Air Base gayundin ang mga komunidad na nakapaligid dito.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang pamunuan ng Philipine Air Force sa Lokal na Pamahalaan para maisaayos ang anumang hindi pagkakaunawaan.
Magugunitang nagkaroon ng malaking kilos-protesta malapit sa hangganan ng military reservation sa Brgy. O’donnell dahil sa pina-aalis ang mga residente at katutubong nakatira sa paligid nito.
Una nang iginiit ng Philippine Air Force na lubhang delikado sa mga sibilyan ang pananatili sa paligid ng Colonel Ernesto Ravina Air Base (CERAB) dahil sa ito’y training ground ng militar kung saan, dito isinasagawa ang live fire exercise.