Nagpaabot ng pakikiramay si National Police Commission (NAPOLCOM) Chief Comm. Rafael Vicente R. Calinisan sa kaanak at mga kasamahan ng pulis na nasawi sa isang aksidente sa kalsada matapos makumpleto ang 24-oras na security deployment para sa State of the Nation Address (SONA) noong July 27.
Ayon kay Calinisan, masakit isipin na hindi na nakauwi ang pulis matapos gampanan ang tungkulin sa bayan.
Binigyang-diin niya na hindi sapat na parangalan lamang ang sakripisyo ng mga pulis, kundi dapat ding tiyakin na ligtas silang nakakauwi sa kanilang mga pamilya at nabibigyan ng sapat na pahinga at suporta.
Kaugnay nito, inatasan na rin ni Calinisan ang mga kinauukulang tanggapan ng NAPOLCOM na makipag-ugnayan agad sa Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya upang mapabilis ang pagproseso ng lahat ng benepisyong nararapat sa mga naulila ng nasawing pulis.
