Kiko Pangilinan
Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang dalawang panukalang batas na layong pabilisin ang pag-unlad ng sektor ng agrikultura at pangisdaan sa bansa.
Inaprubahan ng mataas na kapulungan ang Senate Bill 1990 o ang panukalang lilikha sa Bureau of Agricultural Cooperatives at ang Senate Bill 1991 na naglalayong palakasin ang National Agriculture and Fisheries Extension System.
Ayon kay Senate Committee on Agriculture Chairman Senador Kiko Pangilinan, layunin ng mga ito na mabigyan ng mas matibay na suporta ang mga magsasaka at mangingisda, mapataas ang produksyon ng pagkain, mapababa ang presyo ng mga bilihin, at gawing mas episyente ang food supply chai sa bansa.
Sa ilalim ng Agricultural Cooperatives bill, palalakasin ang mga kooperatiba ng mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng mas madaling pag-access sa pautang, post-harvest facilities, processing equipment, imbakan, transportasyon, at pamilihan.
Nakasaad din sa panukala ang pagbibigay ng mga tax incentives at paghikayat sa mga government bank at iba pang financial institutions na magbigay ng paborableng serbisyo sa mga agricultural at fisheries cooperative.
Samantala, layunin naman ng Agriculture and Fisheries Extension bill na ibalik sa Department of Agriculture ang pambansang pangangasiwa sa extension services para matiyak na ang mga programa at tulong ng pamahalaan ay makarating hanggang sa antas ng mga munisipalidad at barangay.
Sa pamamagitan ng panukala, inaasahang magkakaroon ang mga magsasaka, mangingisda, at iba pang stakeholder sa agrikultura ng mas mahusay na access sa makabagong teknolohiya sa pagsasaka, climate-resilient production techniques, research, training, at technical support.
Binigyang-diin ni Pangilinan na kapag sapat ang kaalaman at pagsasanay ng mga food producer, tataas ang kanilang ani, bababa ang gastos sa produksiyon, at lalaki ang kanilang kita. | ulat ni Nimfa Asuncion