Dinala na ng Department of Social Welfare and Development ang “Project Apo Ko” sa Zamboanga City upang mapatatag ang ugnayan ng mga senior citizen at mga batang mag-aaral.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, nilagdaan ng ahensya at ng lokal na pamahalaan ng Zamboanga City ang kasunduan para sa implementasyon ng programa .
Layunin ng programa na maipasa ng mga nakatatanda ang kanilang kultura, tradisyon, at karanasan sa mga batang edad tatlo hanggang lima sa pamamagitan ng mga Apo, Lolo, Lola Sessions.
Siyam na senior citizen at nasa dalawampung bata ang unang makikinabang sa programa, na nakatakdang magsimula bago ang August 15.
Samantala, palalawakin din ng DSWD ang Project Apo Ko sa Tagum City, Davao del Norte, kung saan magsasagawa ng pagsasanay para sa mga lalahok sa programa.
Sa pagpapalawak na ito, ipinatutupad na ang Project Apo Ko sa apat na rehiyon sa bansa bilang bahagi ng pangangalaga sa kulturang Pilipino at pagpapatibay ng ugnayan ng iba’t-ibang henerasyon. | ulat ni Rey Ferrer