Hiwalay na usapin ang pagsusulong ng DOJ ng kasong cyberlibel laban sa 18 dating umanong bodyguard ni dating Cong Zaldy Co at sa kanilang abogado sa konsiderasyon ng Office of the Ombudsman na gawing testigo ang ilan sa mga ito.
Ito ang binigyang diin ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez kasunod ng pag-apruba ng kagawaran sa rekomendasyong kasuhan ang 18 at kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod.
Ang kaso ay base sa mga reklamong inihain nina dating Sen. Antonio Trillanes IV, Congresswoman Leila De Lima, BuCor Director Gregorio Pio Catapang Jr at dating National Security Advisor Eduardo Año.
Anim na bilang ng cyber libel at 4 na bilang ng perjury ang ihahain ng DOJ sa korte laban sa 18 at kanilang abogado.
Sinabi ni Martinez na hiwalay na imbestigasyon sa ilalim ng hurisdiksyon nito ang pinagbatayan ng Ombudsman sa posibleng paggamit nila sa ilang dating bodyguard bilang saksi.
Ang desisyon naman aniya ng DOJ ay batay sa hawak nilang ebidensiya kaugnay sa idinulog sa kanila na mga reklamo. | ulat ni DK Zarate