Suportado ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ang anumang hakbang sa Kongreso na imbestigahan ang “Pax Silica”.
Ang Pax Silica ay isang malaking proyekto na pinangungunahan ng United States na naglalayong magtayo ng mahigit 1,600-ektaryang high-tech industrial hub sa New Clark City.
Nilinaw ni Marcos na mahalagang masuri nang maayos ang panukalang Pax Silica Economic Security Zone sa gitna ng mga pangamba ng publiko hinggil sa magiging epekto nito sa kalikasan at sa mga katutubong komunidad sa lugar.
Pinaalalahanan din ng mambabatas ang publiko na huwag agad maniwala sa mga haka-haka o “fake news,” ngunit binigyang-diin niya na dapat tiyaking tama at maayos ang pagpapatupad sa napakalaking proyektong ito.
Ayon sa Majority Leader, bagama’t may batayan ang mga pag-aalala ukol sa kapaligiran at likas na yaman, hindi rin matatawaran ang malaking potensyal ng proyekto sa ekonomiya ng bansa kung ito ay maipatutupad nang tama.
Layunin ng imbestigasyon na busisiin ang mga detalye ng proyekto upang matiyak na protektado ang interes ng mamamayan at ng kalikasan kasabay ng pagtataguyod ng kaunlaran.