Ikinatuwa ni Commission on Elections (COMELEC) Chairperson George Garcia ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) kaugnay ng kahalagahan ng kauna-unahang regular parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Aniya, nangangahulugan ito na wala nang atrasan ang pagsasakatuparan ng naturang halalan na ilang beses nang ipinagpaliban dahil sa mga usaping legal at iba pang kinakailangang mga paghahanda.
Ayon pa kay Garcia, nagpapatuloy ang puspusang paghahanda ng COMELEC para tiyaking mapayapa at maayos ang BARMM Parliamentary Elections na nakatakda sa ika-14 ng Setyembre. Aniya, layunin ng komisyon na matiyak na maipapakita ng resulta ng halalan ang tunay na sentimyento ng mga botante.
Matatandaang sinabi ng Pangulo sa kanyang SONA nitong Lunes, na mahalagang maidaos ang naturang halalan bilang bahagi ng pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro at sa patuloy na pagsusulong ng kapayapaan at pagkakaisa, hindi lamang sa rehiyon kung hindi maging sa buong bansa.