Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga sugarcane farmer at farm laborer na naapektuhan ng peste sa Negros Island Region.
Bawat kwalipikadong benepisyaryo ay tumanggap ng ₱10,325 sa ilalim ng Emergency Cash Transfer program ng DSWD.
Pinangunahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang pamamahagi ng ayuda sa Talisay City, Negros Occidental nitong Miyerkules, July 29.
Ayon kay Gatchalian, agad ipatutupad ang payout sa mga apektadong pamilya matapos makumpleto ang validation ng listahan mula sa mga lokal na pamahalaan.
Nakikipag-ugnayan ang DSWD sa Department of Agriculture, Sugar Regulatory Administration, at mga LGU upang matukoy ang bilang ng mga apektadong magsasaka at mapabilis ang pagbibigay ng tulong.
Batay sa paunang datos, nasa 11,000 sugarcane farmer at farm laborer mula sa Negros Occidental at Negros Oriental ang naapektuhan ng pest infestation.
Nauna nang nagdeklara ng state of calamity ang Bacolod City dahil sa epekto ng infestation.