Arestado ang dalawang babaeng sangkot sa illegal na fixing activities sa ikinasang entrapment operation ng Land Transportation Office (LTO), sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG).
Nag-ugat ang operasyon sa sumbong sa LTO ng isa sa mga naging biktima na nagsabing nagbayad siya ng ₱45,000 para sa pagproseso ng driver’s license at patuloy pang hinihingan ng karagdagang bayad.
Personal na hinarap ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang mga suspek at muling iginiit na walang puwang ang mga fixer sa LTO.
“Walang lugar ang mga fixer at ang kanilang mga kasabwat sa LTO. Patuloy nating palalakasin ang ating operasyon laban sa mga nananamantala sa publiko. Hinihikayat namin ang lahat ng motorista na dumiretso lamang sa mga opisyal na tanggapan ng LTO at agad na i-ulat ang sinumang nag-aalok ng ilegal na serbisyo upang agad na maaksyunan,” ani Assistant Secretary Lacanilao.
Kasunod nito, muling pinaalalahanan ng LTO ang publiko na huwag makipagtransaksyon sa mga fixer at sa mga indibidwal na nangangakong mapapabilis ang pagproseso ng mga dokumento kapalit ang pera.