Walang naitalang nasawi o nasugatan na mga overseas Filipino worker (OFWs), maging sa mga Pilipino na naninirahan sa Kyushu Region ng bansang Japan matapos tumama ang isang magnitude 7.1 na lindol nitong Martes ng hapon, ayon sa konsulado ng Pilipinas sa Osaka.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Consul General Donna M. Rodriguez, inihayag nito na kaagad silang nakipag-ugnayan sa mga Filipino Community sa rehiyon ng Kyushu, partikular sa Kumamoto Prefecture kung saan naitala ang sentro ng lindol upang alamin ang kalagayan ng mga Pilipinong naninirahan sa lugar.
Ayon kay Consul General Rodriguez, bagama’t walang naitalang nasawi o nasugatan sa ating mga kababayan, nagpalabas na rin ang konsulado ng mga paalala kaugnay sa mga kinakailangan nilang gawin at sundin kung mayroong evacuation at iba pang emergency responses para sa kanilang kaligtasan.
Aniya, hinihikayat din ng konsulado ang ating mga kababayan na kung sakaling mayroon napag-alaman na insidente ng pagkasawi o mga nasugatan ay kaagad na ipagbigay alam ito sa kanilang tanggapan.
Ibinahagi din ng opisyal na tinatayang halos 4,500 na Pilipino ang naninirahan sa Kumamoto Prefecture at patuloy nilang mino-monitor ang kalagayan nito sa rehiyon.