Paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Animal Industry (BAI) ang mga hakbang laban sa animal cruelty.
Kasunod ito ng pakikipagpulong ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. kay BAI Animal Welfare Unit head Dr. Marie Shella G. Ordinario sa Camp Crame.
Kabilang sa tinalay sa pulong ang pagpapalawak ng ugnayan ng dalawang ahensya sa pagpapatupad ng mga batas para sa kapakanan ng mga hayop.
Ayon kay Nartatez, palalakasin ng PNP ang koordinasyon sa BAI at mga local government unit, gayundin ang pagbibigay ng technical support at orientation seminar upang mapahusay ang kakayahan ng mga pulis sa paghawak ng mga kasong may kaugnayan sa animal welfare.
Inatasan din ang mga police unit na paigtingin ang pangangalap ng impormasyon at mga operasyon laban sa kalupitan sa mga hayop, ilegal na kalakalan ng karne ng aso, at iba pang paglabag.
Nanawagan naman ang PNP sa publiko na agad iulat sa mga awtoridad ang anumang insidente ng pang-aabuso at pagpapabaya sa mga hayop. | ulat ni Diane Lear