Pormal nang sinimulan ng Senate impeachment court ang pagdinig kung saan naghain ng mga ebidensya ang prosekusyon para sa Article I ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, kasabay nang pagtestigo ng dalawang dating branch manager ng LandBank.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Manila 3rd District Representative Joel Chua, ibinahagi nito na puspusan niyang pinaghandaan ang cross-examination hinggil sa kontrobersiyal na confidential fund.
Batay sa naging takbo ng pagdinig, inihayag ng kongresista ang kaniyang kasiyahan sa kinalabasan nang pagtatanong sa dalawang saksi mula sa LandBank.
Tugon naman ng kongresista sa desisyon ng kampo ni Atty. Michael Poa, huwag nang i-cross-examine ang mga testigo dahil hindi naman umano ito makaaapekto sa bise presidente.
Sinabi ng mambabatas na malamang ay nakita na ng abogado na malinaw at maayos ang paglalahad ng mga saksi kaya hindi na siya nag-usisa pa.
Ibinahagi rin ni Rep. Chua na sa darating na Lunes ay nakatakdang isalang sa witness stand ang dalawang opisyal mula sa Commission on Audit.
Layunin nitong mabusising mabuti kung paano ginamit ang pondong nagkakahalaga ng ₱125 milyon mula sa Office of the Vice President at ₱37.5 milyon mula sa Department of Education.
Tumanggi naman ang kongresista na magbigay ng komento ukol sa pahintulot ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na buksan ang “BIR Box” dahil ayaw nitong pangunahan ang mga susunod na legal na hakbang.
Naging sentro rin ng diskusyon sa impeachment trial ang tinaguriang “unusual transactions.”
Bilang sagot sa mga naging pahayag ni Senador Alan Peter Cayetano ukol dito, kinumpirma ni Rep. Chua ang detalye ng transaksiyon.
Ito ang pagpapatunay ng kongresista na idinagdag na umabot sa apat na duffel bag ang ginamit para paglagyan ng nasabing salapi.
Binigyang-diin ni Rep. Chua na matagumpay nilang napatunayan na ang perang nagamit ay nagmula sa kaban ng bayan.
Dahil dito, tiniyak niya na sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Lunes ay mas magiging detalyado ang talakayan upang matukoy kung saan eksaktong napunta at kung paano ginugol ang bilyong pondo ng pamahalaan.