Binigyang-diin ni Legal Spokesperson Atty. Benjamin Jay Tolosa Jr. na panahon na upang direktang sagutin ni Vice President Sara Duterte kung saan ginamit ang inilaang confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Ang pahayag ay ginawa matapos ilatag ng prosecution ang testimonya ng kanilang mga testigo na sina LandBank Shaw Blvd. Branch Manager Violeta Constantino at DepEd Branch Manager Nenita Camposano kaugnay ng cash encashment ng mga disbursing officer ng dalawang ahensya.
Sa ginanap na paglilitis, kapwa inilarawan ng dalawang branch manager na “unusual” o hindi karaniwan ang ginawang pag-encash ng napakalalaking halaga ng pera sa kani-kanilang bangko.
Ayon kay Tolosa, malinaw na ipinakita ng mga testigo na hiniling ng kampo ng Bise Presidente ang pagpapalit ng pera, naaprubahan ito, at matagumpay na na-encash ang kabuuang ₱612.5 milyon.
Muling idinagdag ni Tolosa na ang mga susunod na mahalagang tanong na dapat masagot ay: Saan nga ba ginamit ang confidential funds, sino-sino ang mga tumanggap nito, at nasunod ba ang tamang proseso ng liquidation?