Inaasahang magbibigay ng malaking suporta sa industriya ng pangisdaan at seguridad sa pagkain sa Hilagang Luzon ang mga bagong pasilidad ng Sual Fish Port (SFP) sa Sual, Pangasinan.
Kabilang sa mga bagong imprastraktura ang pinalaki at pinalawig na pantalan, cold storage, blast freezer, ice maker, at processing facility na layong palakasin ang post-harvest operations ng fish port.
Personal na binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Sual Fish Port ngayong Hulyo 30, 2026.
Sa isang panayam, sinabi ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na makatutulong ang cold storage sa pagpapatatag ng suplay at presyo ng isda sa merkado, lalo na sa panahon ng labis na huli.
Aniya, maaaring pansamantalang itabi ang mga isda sa cold storage sa halip na agad ibenta, upang maiwasan ang malaking pagbaba ng presyo dulot ng oversupply.
Dagdag pa ng kalihim, magbubukas din ng mas maraming oportunidad ang processing facility para sa pagproseso ng bangus na maaaring ibenta sa lokal na pamilihan at i-export sa ibang bansa.
Binigyang-diin din nina Pangasinan Governor Ramon Guico III at Pangasinan First District Representative Arthur Celeste ang inaasahang pakinabang ng mga bagong pasilidad sa mga mangingisda at sa lokal na industriya ng pangisdaan.
📷 Representative Arthur Celeste