Mapabibilis na ang pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) sa bansa sa tulong ng Council of Experts na itinatag ng Department of Health (DOH).
Ang konseho ay binubuo ng mga dating kalihim ng kalusugan.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service sa dating DOH Secretary at ngayon ay Iloilo First District Representative Janette Garin, sinabi nito na bagama’t marami pa ring balakid na kinahaharap ang DOH, patuloy nitong tutugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan sa sistemang pangkalusugan.
Ayon kay Garin, sa pangunguna ni DOH Secretary, Dr. Jose S. Pujalte, pinag-uusapan at pinag-aaralan na ng Council of Experts ang mga hakbang na gagawin para rito.
Aniya, malaking tulong din ang Zero Balance Billing na programa ng gobyerno sa mga DOH hospital, ngunit malaking suliranin din ito sa mga hindi kabilang, lalo na ang mga malilit na ospital ng bayan.
Bagaman mayroon naman aniyang mga medical assistance para sa ating mga kababayan, hindi pa rin maiwasan na maglabas ng sariling pera ang mga pasyente dahil sa pagtaas ng presyo ng gamot at ng professional fee ng ilang mga doktor.
Ayon pa kay Garin, mahalaga na magkaroon nang pag-uusap ang mga ahensya na nasa ilalim ng Kagawaran ng Kalusugan upang maging maayos ang sistema at makamtan ng mga Pilipino ang wastong mga benepisyo na para sa kanila.