Binigyang-diin ni Energy Secretary Sharon Garin na desidido silang mangyari ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tanggalin ang system loss charges para mapababa ang presyo ng kuryente.
Sa ambush interview kay Garin, sinabi nitong maraming hamon ang dapat kaharapin para maisakatuparan ang nais ng Pangulo gayung hindi lang naman pagbibigay ng instructions sa mga stakeholders ang gagawin.
Kailangang pulido aniya ang magiging koordinasyon sa concerned stakeholders gaya ng Energy Regulatory Commission (ERC), mga electric cooperative at iba pa.
Dagdag ni Garin na hindi lang din system loss ang pinatatrabaho sa kanila ng Pangulo na nakakadagdag sa hamong kinakaharap ng kanilang departamento.
Naririyan din aniya ang target ng Pangulo patungkol sa renewable energy, exploration, at iba na dapat din nilang atupagin.
Pero sa lahat ng ito ay siniguro ng Kalihim na kaya nila at determinado silang tapusin ang anomang utos ng Punong Ehekutibo na iniatang sa kanilang departamento.