Nakatutok na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga insidente ng pagbaha sa Davao City kasunod ng isinagawang inspeksiyon sa Bangkal, Barangay Talomo Proper, Davao City.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, napag-alaman na binuhusan ng bilyong halaga ng pondo ang flood control project sa naturang lugar noon pang 2019 ngunit wala namang natapos na proyekto upang maibsan ang nararanasang pagbaha.
Isa naman sa mga iminungkahi ni Dizon na posibleng solusyon upang maiwasan ang labis na pagbaha sa Davao City tuwing malakas ang ulan o kung may bagyo ay ang paglalagay ng dam o detention basin sa bulubunduking lugar ng Davao City.
Sa tulong kasi nito ay maiiwasan na ang biglaang pagbagsak ng tubig sa kapatagan at sa siyudad upang makaiwas sa baha.
Ipagpapatuloy din ang dredging operations upang i-redirect sa dagat ang tubig ulan habang patuloy na inaayos ang flood control project na magiging sagot sa mga pagbaha.