Muling isinumite ni Navotas City Representative Toby Tiangco ang kanyang matagal nang panukalang alisin ang systems loss charges sa buwanang singil sa kuryente ng mga consumer, sa pagsasabing hindi nila dapat akuin ang gastos na dulot ng kapalpakan, at pagkalugi na wala silang kontrol.
Inihain ni Tiangco ang panukala, na una niyang isinumite 16 na taon na ang nakalipas, bilang tugon sa pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na hindi na dapat ipasa sa mga konsyumer ang systems loss charges bilang bahagi ng mga hakbang upang mapababa ang nananatiling mataas na presyo ng kuryente sa bansa.
“Natutuwa ako na ang panukalang ito ay malinaw nang bahagi ng legislative agenda ng Pangulo. Matagal na nating sinasabi na hindi makatarungan na ang ordinaryong konsyumer ang pinagbabayad sa mga nananakaw ng kuryente at inefficiencies na wala naman silang kinalaman,” ani Tiangco.
Isinumite ni Tiangco ang House Bill No. 10273, o ang “System Loss Charges Abolition Act of 2026,” bilang suporta sa layunin ng administrasyon na gawing mas abot-kaya ang kuryente para sa bawat Pilipino.
Unang inihain ang panukala noong Setyembre 20, 2010 bilang House Bill No. 3253, muling inihain noong Hulyo 1, 2013 bilang House Bill No. 709, at muli noong Hulyo 4, 2016 bilang House Bill No. 942.
Dahil suportado na ngayon ni Pangulong Marcos ang panukala, nagpahayag si Tiangco ng pag-asa na makakakuha ito ng sapat na suporta sa Kongreso upang maisabatas.
“Magmula taong 2010, hindi ito umusad. Ngayon, malinaw na kinikilala na mismo ng Pangulo na dapat nang itigil ang pagpapasa ng systems loss sa mga konsyumer. Umaasa ako na sa Kongresong ito ay magkakaroon na tayo ng sapat na political will upang maisabatas ang repormang ito,” wika niya.
Ayon sa mambabatas, habang nananatiling kabilang sa pinakamataas sa rehiyon ang presyo ng kuryente sa bansa, dapat samantalahin ng Kongreso ang pagkakataong maisabatas ang mga repormang magbibigay ng agaran, at konkretong ginhawa sa mga konsyumer.
“Kung seryoso tayo sa pagpapababa ng singil sa kuryente, dapat alisin ang mga bayaring hindi naman kasalanan ng mamamayan. Ito ay konkretong hakbang na mararamdaman agad ng bawat pamilyang Pilipino sa kanilang buwanang bayarin,” giit niya.
Nanawagan si Tiangco sa kanyang mga kapwa mambabatas na suportahan ang aniya’y matagal nang napapanahong panukalang magpapalakas sa proteksiyon ng mga konsyumer, na ngayon ay may suporta na rin ng Pangulo.
Sa explanatory note ng panukala, binigyang-diin ni Tiangco na bagama’t pinahihintulutan ng mga naunang batas ang mga utility na mabawi ang system losses sa loob ng itinakdang limitasyon, ipinakita ng patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente na bigo ang umiiral na sistema na mabigyan ng sapat na proteksiyon ang mga consumer.
Iginiit sa panukala, na hindi na dapat ipapasan sa mga konsyumer ng kuryente ang mga gastos na nagmumula sa mga kapalpakan at pagkalugi na wala silang kontrol.