Photo courtesy of Rep. Brian Yamsuan
Isinusulong ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ang isang panukalang batas na magtatakda ng pangmatagalang plano upang matugunan ang kakulangan ng mga textbook sa mga pampublikong paaralan.
Sa ilalim ng House Bill 7868, maghahanda ang Department of Education (DepEd) at National Book Development Board (NBDB) ng National Textbook and Learning Resources Plan upang matiyak ang sapat at dekalidad na learning materials para sa mga mag-aaral.
Kabilang sa panukala ang regular na pagsusuri ng mga textbook kada limang taon upang manatiling angkop sa pangangailangan ng mga estudyante.
Palalawakin din nito ang paglalathala at pag-imprenta ng mga textbook sa mga rehiyon at lalawigan upang hindi lamang sa Luzon nakasentro ang produksiyon.
Tiwala ang mambabatas na makatutulong ang panukala sa pagpapahusay ng kakayahan sa pagbasa ng mga mag-aaral, kasunod ng ulat ng EDCOM II na 87 porsiyento ng Grade 11 students ay non-independent readers.
Saklaw din ng panukala ang paggamit ng digital learning materials at pagbuo ng mas inklusibong mga aklat para sa mga mag-aaral na may kapansanan.
Umaasa naman si Yamsuan na agad na tatalakayin ng Kongreso ang panukala alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyang prayoridad ang edukasyon.