Photo courtesy of Presidential Communications Office (PCO)
Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Agriculture (DA) na ipagpatuloy ang rehabilitasyon at modernisasyon ng mga fish port complex sa buong bansa.
Sa ganitong paraan, mapalalakas ang kapasidad ng mga pantalan, mapabilis ang pagdadala ng mga produktong-dagat sa pamilihan, at mapanatili ang kalidad at abot-kayang pagkain.
Ngayong araw (July 30), ininspeksiyon ng Pangulo ang rehabilitated Sual Fish Port Complex sa Pangasinan. Ito ang nag-iisang regional fish port sa Northern Luzon.
Ang rehabilitasyon at modernisasyon ng Sual Fish Port Complex ay nagsilbing daan para sa mga bago at pinaigting na pasilidad.
Kabilang na dito ang fish processing at cold storage facilities, multi-purpose pier, commercial building, at mga access road.
Sa tulong ng pasilidad na ito, mababawasan ang post-harvest losses, mapapalawak ang access ng mga mangingisda sa merkado, at masisiguro ang tuloy-tuloy na supply ng dekalidad at abot-kayang isda.
Samantala, ginamit din ng Pangulo ang pagkakataon upang bisitahin ang mga tripulante ng BFAR vessels na kamakailan ay hinarang at binomba ng water cannon ng Chinese Coast Guard sa Bajo de Masinloc.
Ang hakbang na ito ng Pangulo ay bilang pagkilala sa dedikasyon at katatagan ng mga ito, sa pangangalaga ng karagatan at kabuhayan ng mga Pilipino.