Pinuri ni Mindanao Development Authority (MinDA) Secretary Leo Tereso Magno ang patuloy na pagbibigay-prayoridad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapaunlad ng Mindanao, kasunod ng mga programang inihayag nito sa kanyang huling State of the Nation Address o SONA.
Kabilang sa mga inisyatibong binigyang-diin ng Pangulo ang pagpapalakas ng sektor ng agrikultura, pagpapatupad ng waste-to-energy projects, at pagtatayo ng karagdagang mga silid-aralan at primary disaster response centers sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
Ayon pa kay Sec. Magno, mahalaga rin ang pagtalakay ng Pangulo sa SONA nitong Lunes sa kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections na nakatakda sa Setyembre dahil inaasahan itong magpapalakas sa pamamahala, magpapasigla sa ekonomiya, at higit na magsusulong ng pangmatagalang kapayapaan sa Bangsamoro.
Pinasalamatan din ni Sec. Magno si Pangulong Marcos Jr. dahil lagi nitong sinasama ang Mindanao sa mga prayoridad at plano ng kanyang administrasyon.