Itinuturing ng Malacañang na bunga na lamang ng pagkadismaya ang mga binibitiwang pahayag ni Vice President Sara Duterte sa kasalukuyan, lalo’t kasalukuyang nililitis ang kaniyang ama sa International Criminal Court (ICC).
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro, kasunod ng pagtawag ni VP Sara kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang traydor, dahil sa pagpapadala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague.
Ayon kay Castro, halos lahat ng sinasabi ng ikalawang pangulo ay wala nang basehan at walang katuturan.
“Ang lahat po halos ng sinasabi ng Bise Presidente sa ngayon ay walang basehan, walang saysay, useless at nonsense. Maaaring ito ay kaniyang nasasabi out of frustration dahil ang kaniyang ama ngayon ay nililitis sa ICC.” —Castro.
Dapat aniyang maalala ng lahat na noong 2017 nang maisampa ang kaso, laban sa ama nito, dahil sa crimes against humanity ng ‘war on drugs’ ng nakalipas na administrasyon, isang ordinaryo at pribadong mamamayan pa si Pangulong Marcos.
Hindi aniya kasalanan ng Pangulo na nililitis ngayon ang dating pangulo.
Sabi ni Castro, kung mayroon mang dapat sisihin, ito ay walang iba kung hindi ang kaniyang mismong ama, na umamin noon na pumatay at nagpapatay ng tao.
“Kung mayroong dapat sisihin, walang iba kung hindi ang kaniyang sariling ama dahil sa mga pag-amin nito na siya mismo ay pumatay at nagpapatay, kasama ang ibang mga co-perpetrators.” — Castro.
Pagbibigay-diin ng opisyal, ang ICC ay isang impartial court, at hindi ito maaaring gamitan ng impluwensya o pananakot ng sinoman.
“Malamang ay ikinalulungkot lamang niya dahil ang ICC ay isang impartial court, hindi maaaring gamitan ng impluwensiya at hindi kayang takutin na saktan o anumang puwedeng gawing karahasan. So, muli, ang mga sinabi po ni Bise Presidente ay pawang walang katotohanan, useless, baseless, nonsense.” — Castro.