Photo courtesy: Ukraine's State Emergency Service / Telegram
Nasawi ang hindi bababa sa 13 indibidwal matapos ang panibagong malawakang missile strike ng Russia sa iba’t ibang bahagi ng Ukraine, kabilang ang kabiserang Kyiv at kanlurang lungsod ng Lviv.
Ayon sa mga opisyal ng Ukraine, kabilang sa mga nasawing sibilyan ang dalawang batang babae na may edad 5 at 12 taong gulang, habang marami rin ang nasugatan at ilang gusali ang napinsala.
Dahil sa lawak ng pag-atake at sa paglapit nito sa hangganan ng Poland, agad na nagpalipad ng mga fighter jet ang Polish Armed Forces upang tiyakin ang seguridad ng airspace nito at maging handa sa ano mang posibleng paglabag sa teritoryo ng bansa.
Ayon sa mga awtoridad, bagama’t walang naiulat na paglabag sa teritoryo ng Poland, mahalagang maging handa dahil sa nagpapatuloy na digmaan sa dalawang karatig na bansa.
Samantala, nanawagan naman si Ukrainian President Volodymyr Zelenskiy sa mga kaalyadong bansa nito na dagdagan pa ang suporta lalo na sa air defense system.
Patuloy namang iginiit ng Russia na nakatuon ang operasyon nito sa mga target na may kaugnayan sa militar habang nagpapatuloy ang labanan.