Mula sa 4.4 milyong benepisyaryo, ia-adjust na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa 3.5 milyon ang target na bilang ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa 2027.
Sa DSWD Forum, ipinaliwanag ni DSWD Undersecretary Adonis Sulit na ang adjusted target ay science at data driven at nakaayon sa poverty statistics ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Isinaalang-alang din ang datos mula sa Community-Based Monitoring System (CBMS) sa pagtukoy ng mga kwalipikadong benepisyaryo.
Sa ngayon, kulang-kulang tatlong milyon ang bilang ng 4Ps beneficiaries matapos na 1.4 milyong pamilya ang maka graduate sa programa at ituring na self-sufficient, o may sapat at matatag nang kabuhayan para matugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan.
Sa ilalim ng panukalang 2027 budget ng DSWD, ₱99 bilyon ang nakalaang pondo para sa 4Ps, kung saan ₱83 bilyon ang ilalaan para sa Conditional Cash Transfer (CCT) ng mga benepisyaryo ng programa.