Ipinunto ng Malacañang na panahon nang gumawa ng paraan ang utility companies upang mabawasan ang system losses, sa halip na ipasa sa consumers ang dagdag na gastos mula dito.
Pahayag ito ni Communications Undersecretary Claire Castro kasunod ng pangamba ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association, na maaaring malugi ang ilang electric cooperatives kung aalisin ang system loss charges sa bill ng kuryente, nang walang subsidya mula sa gobyerno.
Ayon kay Castro, layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na alisin ang dagdag na bayaring pinapapasan sa mga consumer ngunit hindi aniya hangad ng Pangulo na maapektuhan ang utility companies.
Dapat aniya na paigtingin ng mga kumpaniya ang kanilang sistema, monitoring, at magpatupad ng mga programa upang maiwasan ang system losses.
“Ang nais lamang po ng Pangulo ay tiyakin din ng mga utility companies na mayroon silang isinasagawang plano at pagmo-monitor para maiwasan po itong losses na ito, lalung-lalo na po iyong mga losses because of theft, pilferage na napapasan ng mga maaayos at mga matitinong mga Pilipino na nagbabayad ng kanilang mga obligasyon.” —Castro
Hindi aniya angkop na ipasa ang mga ito sa mga nagbabayad nang maayos ng kanilang konsumo sa kuryente.
Dagdag pa ni Castro, pinag-aaralan pa ang panukala upang masiguro na hindi rin maaapektuhan ang operasyon ng utility companies.
“So, dapat itong sagutin ng utility companies. Bakit? Dahil kailangan nilang gumawa ng programa para maiwasan ito. So, kailangan na maging efficient din sila para maiwasan ang losses na napapasan ng ating mga kababayan.” —Castro