Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Binigyang-diin ng isang foreign affairs and security analyst ang kahalagahan ng pagkakaroon ng boses ng mga mangingisda pagdating sa mga usaping may kinalaman sa West Philippine Sea (WPS).
Matatandaan na sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., kanyang kinilala ang papel ng mga mangingisda sa pagprotekta sa ating soberanya, katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine Coast Guard (PCG).
Sa programang “Ang Pilipinas Ngayon” ng Radyo Pilipinas World Service, inihayag ni International Development and Security Cooperation Founding President Dr. Chester Cabalza na gitna ng mga maling impormasyon na kumakalat online ay apektado na rin ang ating mga mangingisda na nagdadala ng pagkain sa atin.
Ipinaliwanag ni Dr. Cabalza na pabor para sa mga mangingisda ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang 2016 Arbitral Ruling dahil ang maituturing na hari ng ating maritime domain ay ang mga ito.
Dagdag ng eksperto, malaki ang epekto ng mga nangyayaring tensyon sa WPS sa hanapbuhay ng ating mga mangingisda, lalung-lalo na ngayon at may umiiral na cognitive warfare — kung saan maging ang sikolohikal na aspekto ay apektado na rin.
Sa kabilang banda, sinabi ni Dr. Cabalza na kahit may cyber at cognitive warfare ay umiiral ang kamalayan ng mga Pilipino tungkol sa WPS.
Kaugnay nito, aniya, kapag binigyan ng tamang dunong at impormasyon ang ating mga mangingisda ay maaaring maging mas matapang din sila sa paglaban sa fake news.
Dagdag ni Dr. Cabalza, ang mga mangingisda mismo ang saksi sa mga sigalot sa ating karagatan kaya naman nararapat na mabigyan sila ng boses upang sila mismo ang magbigay ng kwento mula sa first-hand information bilang mga frontliner, sundalo, at diplomats sa WPS.