Tinitiyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na patuloy nilang binabantayan ang kalagayan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) kasunod ng nanalasa na magnitude 7.1 na lindol sa Kumamoto, sa timog na bahagi ng Japan.
Sa inilabas na abiso ng DMW, kinumpirma ng ahensya na batay sa kanilang huling ulat, walang naitalang nasugatan o nasawing Pilipino sa naturang kalamidad.
Patuloy na Koordinasyon sa Japan
Ayon sa DMW, ang Migrant Workers Office (MWO) sa Osaka ay mabilis na nakipag-ugnayan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Philippine Consulate General sa Osaka, at sa mga organisasyon ng Filipino community roon upang matiyak ang kaligtasan at welfare ng mga kababayan sa mga apektadong lugar.
“As of the issuance of this advisory, no injuries or casualties involving Filipino nationals have been reported. The MWO and OWWA in Osaka are coordinating with the Philippine Consulate General in Osaka and the Filipino community to verify the safety and welfare of OFWs in the affected areas,” pahayag ng DMW.
Bakas ng Pinsala sa Kumamoto
Naganap ang malakas na pagyanig noong Martes, ganap na 4:27 ng hapon sa Kumamoto Prefecture na nasa rehiyon ng Kyushu.
Ayon sa ulat ng The Japan Times, kinumpirma ni Japanese Prime Minister Sanae Takaichi na umabot na sa hindi bababa sa 13 katao ang confirmed na nasawi sa Kumamoto, habang inaaasahang tataas pa ang bilang nito dahil sa dami ng mga naiulat na nawawala.
Ilan sa mga naiulat na pinsala ay ang bahagyang pagguho ng isang shopping mall kung saan may mga naipit na residente, pati na rin ang mga nawawalang manggagawa sa isang pabrika ng papel. Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamahalaan ng Japan at nangakong ibubuhos ang lahat ng resource para sa rescue operations.
Paalala at Emergency Hotlines para sa mga OFW
Pinaalalahanan ng DMW ang mga Pilipinong naninirahan o nagtatrabaho sa Kyushu at mga kalapit na lugar na manatiling alerto at mag-ingat sa mga posibleng pag-uga o aftershocks. Pinapayuhan din ang lahat na sumunod sa mga opisyal na babala mula sa Japan Meteorological Agency at sa mga lokal na awtoridad.
Para sa mga Pilipinong nangangailangan ng tulong o gustong mag-ulat ng estado ng kanilang mga kaanak, maaaring makipag-ugnayan sa pamamagitan ng mga sumusunod na linya:
MWO at Philippine Consulate General sa Osaka
- Main Landline: +81 6-6575-7593
- Labour Hotline: +81 70-2275-6082
- Welfare Assistance Hotline: +81 70-2447-4016
- Consulate Hotline: +81 90-4036-7984
- Email: atn@pcgosaka.org
Mula sa Pilipinas o Ibang Bansa
- DMW / OWWA One Hotline: 1348
Maglalabas pa ng mga karagdagang abiso ang DMW kapag may nakuha nang panibagong verified na impormasyon mula sa Japan. ###