📷 UPLIFT PH
“Iisa ang ating misyon: UPLIFT — ang iahon ang ating nahihirapang mamamayan.”
Ito ang ipinahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address noong Lunes kasabay ng pag-uulat ng maagap na pagtulong ng gobyerno sa mga vulnerable sectors, kabilang ang magsasaka at mangingisda, para ibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis na dulot ng gusot sa Gitnang Silangan.
Ang mga tulong na ito at iba pang programa ay isina-ilalim sa Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT).
Ayon kay Pangulong Marcos, ang UPLIFT ay nagsisilbing pinag-isa at komprehensibong tugon ng gobyerno sa gulo sa Middle East para hindi mahirapan ang mga pamilyang Pilipino sa pagtaas ng presyo at mabawasan ang masamang epekto sa ekonomiya.
Kabilang sa mga pangunahing interbensyon ay ang Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families (PAFFF), na nagbigay ng suporta sa halos dalawang milyong magsasaka at mangingisda.
Nakatulong ang assistance sa mga gastusin ng magsasaka at mangingisda sa produksiyon at paghahatid ng kanilang ani sa mga pamilihan, pati na rin sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos ang pagpapalawak ng Kadiwa, na may mahigit 800 outlets sa buong bansa na direktang nag-uugnay sa mga magsasaka at mangingisda sa mga mamimili.
Sa pamamagitan ng Kadiwa, naibebenta ng mga magsasaka at mangingisda ang kanilang mga ani nang hindi dumadaan sa trader kaya mas Malaki ang kanilang kinikita habang mas mababa ang presyong binabayaran ng mga mamimili.
Binanggit din ng Pangulo ang programang Benteng Bigas Meron Na na nakapaghatid ng bigas na bente-pesos kada kilo sa mahigit 12 milyong Pilipino.
Mahigit 2.5 milyong pamiklya naman ang nabigyan ng libreng bigas sa ilalim ng programang Bawat Bayan Makikinabang sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan.
“Sa panahon na lumiit ang kita dahil sa mga presyo, mahigit 26,000 toneladang bigas ang ibinigay sa mahigit 2.5 milyong pamilya. At ito’y itutuloy pa natin hanggang umabot sa 8 milyong pamilya ang makikinabang,” sabi ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, ang mga programang ito ay pangangalaga ng pamahalaan sa kapakanan ng magsasaka at mangingisda sa epekto ng pandaigdigang krisis. ###