📷 9th ID
Dalawang hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA), na mag-asawa, ang nasawi matapos makasagupa ang tropa ng 2nd Infantry Battalion, Philippine Army sa Brgy. San Isidro, Palanas, Masbate, alas-6:00 ng umaga nitong Miyerkules, Hulyo 29. Naganap ang operasyon sa gitna ng patuloy na kampanya ng pamahalaan laban sa armadong insurhensiya at panawagan sa mga natitirang rebelde na magbalik-loob.
Ayon sa ulat ng 9th Infantry Division, tinatayang sampung armadong miyembro ng KLG-South, SRC4 ang nakipagpalitan ng putok sa mga sundalo. Tumagal ng humigit-kumulang limang minuto ang engkuwentro bago umatras ang mga rebelde at iniwan ang dalawa nilang kasamahan na nasawi sa lugar. Kinilala ang mga ito bilang sina alyas “Liza,” at ang kanyang asawang si alyas “Dawe” o “Darwin.”
Nasamsam ng mga sundalo sa pinangyarihan ang apat na M16 rifles, mga magazine, tatlong rifle grenade, tatlong bandolier, limang cellphone, at iba pang kagamitang pinaniniwalaang ginagamit ng armadong grupo sa kanilang operasyon.
Binigyang-diin ni Major General Aldwine I. Almase, Commander ng 9th Infantry Division, na magpapatuloy ang operasyon ng kasundaluhan upang tuluyang wakasan ang armadong insurhensiya sa Bicol. Muli rin niyang hinikayat ang mga natitirang miyembro ng NPA na samantalahin ang mga programa ng pamahalaan para sa mga nais magbalik-loob, kabilang ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), upang makapagsimula ng panibagong buhay at makasama ang kanilang mga pamilya sa isang mapayapa at maunlad na komunidad.
📸 9th ID