May ipinatutupad nang tax relief measures ang Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) para bigyang ginhawa ang mga manggagawa, maliliit na negosyo, at iba pang taxpayers.
Kasunod ito ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) kung saan isinulong niya ang mga panukalang tax relief para mapagaan ang pasanin ng middle class habang patuloy na bumabangon ang ekonomiya.
Sa inilabas na joint statement ng DOF at BIR, sinabi ng mga ahensya na umiiral na ang ilang hakbang, kabilang ang One-Time Tax Abatement Program for Micro Taxpayers, na ipinatupad sa ilalim ng Revenue Regulations (RR) No. 4-2026 noong June 22, 2026.
Sa ilalim ng programa, maaaring makinabang ang mga kwalipikadong micro taxpayers sa pag-alis o pagbabawas ng kanilang mga hindi pa nababayarang obligasyon sa buwis at kaukulang penalties.
Samantala, pinalawak din ng BIR ang VAT exemption sa mga gamot kung saan nadagdagan ang mga gamot na hindi na papatawan ng value-added tax (VAT).