Mabilis na naisakatuparan ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang kamakailang ulat sa bayan (SONA) ukol sa mabilis na pagpapadama ng direktang tulong at pabahay sa mga Pilipinong nasa gitna ng krisis at trahedya.

Ito ay matapos pormal na ipagkaloob ng National Housing Authority (NHA) ang mga libreng housing unit sa pamilya ng tatlong estudyanteng nasawi sa shooting incident sa San Jose National High School (SJNHS).
Gaya ng ipinag-utos ng Pangulo sa kanyang ulat sa bansa na tiyaking may ligtas na tahanan at agarang saklolo ang mga pamilyang nahaharap sa matinding pagsubok, tinanggap ng mga magulang nina Chris Lorenz Fabian, Ayeesa Nicole Dazo, at Joyancee Separa ang mga susing nagpapatunay ng kanilang bagong panimula sa Tacloban Housing Project Site 2, Barangay 103, Palanog.
Pinangunahan nina NHA Assistant General Manager Alvin Feliciano, NHA-8 Regional Manager Engr. Clemente Dayot, at Tacloban City Vice Mayor Raymund Romualdez ang opisyal na pag-turnover sa mga naulilang pamilya.
Ayon sa pamunuan ng NHA, ang hakbang na ito ay patunay na isinasabuhay ng ahensya ang hangarin ng Pangulo na hindi lamang magtayo ng mga gusali, kundi magbigay ng kalinga, seguridad, at dignidad sa mga mamamayang nangangailangan ng agarang tulong mula sa pamahalaan.
Lubos naman ang pasasalamat ng tatlong pamilya sa pangmatagalang suportang ipinadama ng pamahalaan, na nagbibigay sa kanila ng ligtas na masisilungan habang unti-unting bumabangon mula sa matinding dalamhati.
📸 Ruel Amazona