Nag-abiso ang University of the Philippines Diliman (UPD) na pansamantalang isasara ang campus nito sa mga jogger, biker, at iba pang non-essential visitors sa weekend, August 1 at 2.
Ito ay para bigyang-daan ang University of the Philippines College Admission Test (UPCAT) 2027.
Ayon sa Office of the Vice Chancellor for Community Affairs (OVCCA), tanging mga awtorisadong sasakyan at indibidwal na may opisyal na kaugnayan sa UPCAT ang papayagang makapasok sa campus sa loob ng dalawang araw ng pagsusulit.
Kaugnay nito, naglabas din ang OVCCA ng campus map para gabayan ang mga examinee sa lokasyon ng 24 testing centers sa UP Diliman, gayundin sa traffic flow, medical stations, portable toilets, jeepney routes, at directional signages.