Naghain ng resolusyon ang ilang mambabatas sa Kamara upang silipin ang Pax Silica Agreement dahil sa posibleng epekto nito sa pambansang seguridad at soberanya ng bansa.
Pinangunahan ni Caloocan Representative Edgar Erice, kasama sina Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, Albay Rep. Krisel Lagman, Philreca Party-list Rep. Presley De Jesus, at Kamanggagawa Party-list Rep. Elijah San Fernando, ang paghahain ng resolusyin para magsagawa ng inquiry in aid of legislation.
Layunin ng imbestigasyon na suriin ang posibleng epekto ng kasunduan sa national security, data governance, environmental protection, economic security, at foreign participation sa mga kritikal na industriya.
Ayon kay Erice, hindi layunin ng resolusyon na hadlangan ang pamumuhunan kung hindi tiyaking may sapat na transparency, pananagutan, at proteksiyon para sa interes ng mga Pilipino.
Kabilang sa sisilipin ang pagmamay-ari at kontrol sa mga estratehikong imprastraktura, cybersecurity, paggamit ng likas na yaman, at mga benepisyong maibibigay sa publiko.
Susuriin din kung sapat pa ang umiiral na mga batas sa pamamahala ng artificial intelligence at iba pang estratehikong digital infrastructure.
Umaasa ang mga mambabatas na magsisilbing batayan ang imbestigasyon sa pagbuo ng mga polisiya at batas na titiyak sa pambansang interes habang hinihikayat ang responsableng pamumuhunan.