Naghain si Pinoy Workers Party-list Representative Karl Fernandez Legazpi ng House Bill No. 11752 na naglalayong magbigay ng espesyal na insurance protection sa mga mangingisdang Pilipino na makararanas ng pinsala dahil sa panghihimasok ng mga dayuhang barko sa karagatan ng bansa.
Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC na bumuo ng insurance at indemnity coverage para sa mga kwalipikadong mangingisda at sasakyang-pangisda.
Saklaw nito ang pinsala sa mga bangka, makina at kagamitan sa pangingisda, pagkawala ng mga nahuling isda, at makatwirang gastos sa kanialng recovery.
Kabilang sa mga insidenteng maaaring saklawin ang pagbangga, paggamit ng water cannon, mapanganib na pagmamaniobra, at pagkumpiska o pagsira sa mga gamit sa pangingisda ng mga dayuhang sasakyang pandagat.
Sa ilalim ng panukala, tutulong ang Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa beripikasyon ng mga insidente, habang ang PCIC ang mangangasiwa sa insurance coverage at pagproseso ng mga claim.
Saklaw ang mga rehistradong mangingisdang Pilipino, may-ari o operator ng mga sasakyang-pangisda, at mga tripulanteng legal na nangingisda sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Ayon kay Legazpi, layunin ng panukala na matulungan ang mga mangingisdang nawalan o napinsalaan ng kabuhayan dahil sa mga insidente sa West Philippine Sea upang makabangon at makabalik sa pangingisda. | ulat ni Kathleen Forbes