Nakumpiska ng mga lokal na awtoridad ang isang walang balang baril mula sa isang mag-aaral sa elementarya sa Almeria, Biliran, sa gitna ng isang routine inspection para sa kaligtasan sa paaralan nitong Hulyo 29, 2026.
Nagsasagawa ng school visitation ang mga tauhan ng Almeria Municipal Police Station (MPS) sa Pulang Bato Elementary School bandang 2:50 ng hapon nang ipagbigay-alam ng punong-guro na may isang estudyanteng diumano’y may dalang baril.
Agad na beneripika ng mga nagrespondeng pulis ang ulat, at isinuko ng punong-guro ang isang walang kargang caliber .38 revolver na nakuha mula sa mag-aaral.
Matapos ang pag-turn-over, nakipag-ugnayan ang pulisya sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Almeria, sa kapitan ng barangay, sa mga administrador ng paaralan, at sa mga magulang ng bata.
Matapos ang isinagawang panayam, assessment, at counseling, inilipat ng mga awtoridad ang bata sa pangangalaga ng kanyang mga magulang para sa diversion proceedings alinsunod sa Juvenile Justice and Welfare Act. Dinala naman ang nakumpiskang baril sa Almeria MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Sa isang pahayag, muling pinagtibay ng Biliran Police Provincial Office (BPPO) ang kanilang komitment sa kaligtasan sa mga paaralan sa pamamagitan ng kanilang patuloy na Safer Schools Initiative, na kinabibilangan ng mga regular na pagbisita sa paaralan at pakikipag-tulungan sa mga sektor ng komunidad.
Hinihimok din ng BPPO ang publiko na manatiling alerto at agad na ipagbigay-alam sa mga lokal na awtoridad ang anumang kahina-hinalang gawain o banta sa seguridad.
📸 Biliran PPO